Bagong bagyo, papasok pa sa PAR; ‘Ferdie’ signal no. 4 sa Batanes
MANILA, Philippines – Nakataas na sa signal number 4 ang bagyong “Ferdie” sa Batanes Group of Islands, habang nagbabadya pang pumasok ngayong araw sa Philippine area of responsibility (PAR) ang isa pang bagyo, ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Administration (Pagasa).
Ayon sa Pagasa, ala-1 ng hapon kahapon, si Ferdie ay namataan sa layong 260 kilometro ng silangan ng Basco, Batanes taglay ang lakas ng hangin na umaabot sa 215 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugso ng hangin na umaabot sa 250 kilometro bawat oras.
Ang bagyong Ferdie ay kumikilos pakanluran hilagang kanluran sa bilis na 23 kilometro bawat oras.
Bukod sa signal no. 4 sa Batanes, nakataas din ng signal no. 3 sa Babuyan Group of Islands at Signal no. 2 sa Ilocos Norte, Apayao at Northern Cagayan. Signal no. 1 naman sa nalalabing bahagi ng Cagayan, Northern Isabela, Kalinga, Abra at Northern Ilocos Sur.
Ngayong Miyekules si Ferdie ay inaasahang nasa layong 215 kilometro ng kanluran hilagang kanluran ng Basco, Batanes at sa Huwebes ay nasa layong 660 kilometro ng kanluran hilagang kanluran ng Basco, Batanes o nasa labas na ng bansa.
Samantala, inaasahan ring papasok sa PAR ang panibagong bagyo na may international name na “Malakas” at tatawagin ito na bagyong “Gener”. Ang sentro ng bagyo ay naitala sa layong 1,625 km east ng Luzon at may lakas na hangin na 85 kph, pagbugso na 100 kph at kumikilos northwest sa bilis na 20 kph.
- Latest