^

Bansa

Walang ‘go signal’ sa pagbitay kay Veloso – DFA

Ellen Fernando at Rudy Andal - Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines - Pinabulaan kahapon ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nagbigay ng “go signal” si Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte kay Indonesian President Joko Widodo na bitayin na ang overseas Filipino worker (OFW) na si Mary Jane “MJ” Veloso na nasa death row sa Indonesia.

Ito ay matapos na lumabas sa news article ng Jakarta Post na sinabi umano ni Duterte kay Widodo sa kanilang paghaharap sa 2-araw na working visit nito sa Indonesia na isagawa na ang pagbitay kay Veloso.

Sa inilabas na statement ni Foreign Affairs Secretary Perfecto Yasay Jr, nilinaw nito na hindi nagbigay ng “green light” si Duterte kay Widodo sa eksekusyon ni Veloso.

“President Duterte has not given the so-called “green light to the execution of Mary Jane Veloso,” klaripikasyon ni Yasay matapos niyang mabasa ang news item ng Jakarta Post na may maling headline na “Duterte has given green light for Mary Jane’s execution.”

Sa kabila nito, pinatotohanan ni Yasay ang isa sa nakasaad sa nasabing artikulo na nagsasabing inalis na si Veloso sa third round ng listahan ng mga susunod na bibitayin sa Indonesia na inihanda ng Attorney General’s Office (AGO) nitong Abril habang nagpapatuloy ang legal na proseso sa kaso ni MJ.

Muling binigyang-diin ni Yasay na ang eksekusyon ni Veloso ay “indefinitely de­ferred” na naunang na­ilathala sa pahayagang ito.

“Veloso was on the execution list last year but was granted a stay of execution because her alleged boss had been arrested in the Philippines, and the authorities have requested Indonesian assistance in pursuing the case,” ayon sa artikulo ng Jakarta Post.

Taliwas sa mga ulat sa Indonesia, nilinaw pa ni Yasay na kailanman ay walang ibinibigay na basbas si Duterte para bitayin si Veloso bagkus sinabi lamang umano ng Pangulo kay Widodo na nirerespesto nito ang “judicial processes” ng Indonesia at tatanggapin nito ang kanilang magi­ging pinal na desisyon sa kaso ng Pinay.

“President Duterte has given the go-ahead to proceed with the execution,” winika umano ni Widodo sa ulat naman ng Antara News Agency sa Serang, Banten na nagpagulo sa isipan ng pamilya ni Veloso sa Pilipinas.

Samantala, inamin ng Malacañang na mismong si Duterte ang nagsabi kay Widodo na hindi siya makikialam sa batas ng Indonesia kaugnay sa kaso ni Veloso pero hindi sa pagsasabing ituloy na ang pagbitay.

“Follow your own laws, and I will not interfere,” ito umano ang sinabi ni Pangulong Duterte sa pakikipag-usap nito kay Widodo kaugnay sa kaso ni Veloso, ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella.

Una nang ipinaliwanag ni Foreign Affairs Spokesman Charles Jose na sa desisyong “indefinitely deferred” sa execution ni Veloso, nangangahulugan ito na walang magaganap na pagbitay habang gumugulong ang kasong inihain ni MJ laban naman sa kanyang recruiter sa Pilipinas.

Kapag napatunayan ng korte na “biktima” lamang si Veloso ng mga international drug syndicates matapos siyang mahatulan sa Indonesa dahil sa pagiging umano’y drug mule, saka pa lamang hihilingin ng Pilipinas sa Supreme Court ng Indonesia na muling magsagawa ng “judicial review” na siyang magiging daan upang mabaligtad ang naging hatol na bitay sa kanya at posibleng masagip na siya sa kamatayan.

Sa kabila ng mara­ming apela ng Phl govern­ment na mabigyan ng “clemency” si Veloso sa panahon pa ni dating Pangulong Benigno Aquino III, nanindigan si Widodo na kanilang susundin ang pagpapatupad ng mahigpit nilang batas pagdating sa drug smuggling.

Sa rekord ng DFA, si Veloso ay hinatulan ng Indonesian court ng parusang bitay sa pamamagitan ng firing squad matapos mahulihan ng 2.6 kilong heroin sa kanyang bagahe habang papasok sa Adisucipto Internatio­nal Airport sa Yogyakarta noong April 2010 mula Malaysia.

Pansamantalang nasuspinde ang pagbitay kay Veloso noong Abril 15, 2015 sa pakiusap ni Aquino kay Widodo dahil sa nakabinbin na kaso ng recruiter nito sa Pilipinas.

Maging si United Nations Secretary General Ban Ki-moon ay nanawagan din kay Widodo na itigil ang eksekusyon sa mga convicted prisoners at agad na ikonsidera ang pagdedeklara ng “moratorium” sa capital punishment sa Indonesia kasunod ng pagsusulong na tuluyang i-abolish ito.

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with