US-PH relations tuloy - Obama
‘Hindi ako nainsulto’
MANILA, Philippines - Kinumpirma mismo ni United States President Barack Obama na tuloy ang magandang relasyon ng Estados Unidos at Pilipinas.
Ito ay sa kabila ng mga maanghang na salitang binitawan ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa pinaka-makapangyarihang lider sa buong mundo.
Ayon kay Obama sa isang pulong balitaan sa Laos kung saan idinadaos ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit, nananatiling mabuti at matibay ang relasyon ng US at Pilipinas.
Sinabi pa ni Obama na hindi siya nainsulto sa mga pahayag ni Duterte at alam umano niyang ganun na ang estilo ng pagsasalita ni Duterte na ginawa niya kahit sa Santo Papa.
Iginiit ni Obama na hindi niya ito pinepersonal at hindi ito makakaapekto sa relasyon ng US at Pilipinas.
Aniya, tutulong pa ang US sa pagsugpo ng droga sa Pilipinas sa pagpigil sa drug trafficking.
“I did shake hands with Duterte last night,” ani Obama.
Nabatid naman kay Foreign Affairs Secretary Perfecto Yasay na kasama sa delegasyon ng Pangulo sa ASEAN Summit na sandaling nagkita at nag-usap sina Duterte at Obama sa sidelines ng summit sa Laos.
Sinabi ni Yasay na nag-usap ang dalawang lider sa holding room na ginagamit ng iba’t ibang lider na dumalo sa summit dinner.
Magugunita na kinansela ni Obama ang pulong nila ni Duterte matapos na murahin ng Pangulo ang US president at nagbanta na magkakabastusan sila kapag lelektyuran siya sa isyu ng extrajudicial killings sa Pilipinas.
Chairmanship ng ASEAN 2017, tinanggap ni Digong
Pormal nang tinanggap ni Pangulong Rodrigo Duterte kahapon ang chairmanship ng ASEAN para sa taong 2017.
Ang pagtanggap ni Duterte sa posisyon ay isinagawa sa handover ceremonies sa National Convention Center sa Vientiane, Laos nitong Huwebes.
Sa kanyang pananalita, nagpasalamat si Duterte sa mga kapwa lider sa tiwalang kanilang ibinigay.
“Your Excellency, President Rodrigo Duterte, on this auspicious occasion, I have the honor to hand over the ASEAN chairmanship to the Philippines starting from the 1st of January 2017,” ayon kay ASEAN 2016 chair Laos Prime Minister Thongloun Sisoulith sa naturang seremonya.
Pinuri ni Duterte si Laos Prime Minister Sisoulith dahil sa matagumpay na pagdaraos ng ASEAN summit.
“The Philippines is ready and willing to steer and guide the association,” ayon kay Duterte sa kanyang pananalita matapos tanggapin ang posisyon.
“I trust that under the Philippines’ ASEAN chairmanship in 2017, in addition to the meaningful celebration of the 50th anniversary of ASEAN, the ASEAN Community will continue to gain new achievements in order to turn the ASEAN Community Vision 2025 into reality with concrete outcomes,” ayon naman kay Sisoulith.
Sinabi ni Sisoulith na ipagpapatuloy ng Laos PDR ang kanyang buong suporta sa Pilipinas.
Bilang chairman, sa Pilipinas gaganapin ang susunod na ASEAN summit.
- Latest