DSWD ginisa sa ‘poor performance’
MANILA, Philippines - Kinuwestyon ng mga kongresista ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) dahil sa mababang performance nito sa pag-abot sa target ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.
Sa pagpapatuloy ng budget briefing sa Kamara de Representantes kahapon, kinuwestyon ni House Appropriation Committee chairman Karlo Alexei Nograles ang DSWD kung bakit noong 2015 sa ilalim ng programa ay nasa 79,530 accounts ng mga benepisyaryo ang hindi nakapag-withdraw mula sa P1.2 bilyong pondo. Kung susumahin umano, aabot sa P1 bilyon ang inilaang pera ang hindi nagalaw kaya hiniling ni Nograles na isumite sa Kamara ang pangalan ng mga benepisyaryo ng 4Ps at kung saang lugar sila galling. Mahirap umano na bigyan ng dagdag budget ang DSWD kung hindi naman nito nagagampanan ng isandaang porsiyento ang mandato nito.
Tinanong din ni Nograles kung mayroong ghost beneficiaries ng Conditional Cash Transfer (CCT) program.
Sagot naman ni DSWD Sec. Judy Taguiwalo, nagsagawa na ang ahensiya ng validation tungkol dito at parte ng resulta ay ang duplication ng ilang household beneficiaries subalit nagpapatuloy pa umano ang imbestigasyon tungkol dito.
Pinagsusumite naman ng Kamara ang DSWD ng listahan ng account holders ng landbank na hindi nag-withdraw ng kanilang cash grants para ma-validate na rin ng mga kongresista sa kanilang distrito.
Nasermunan din si Taguiwalo para sa hinihingi nitong P129.8 bilyong pondo ng naturang ahensiya. Naunang sinita ni Majority leader Rudy Farinas si Taguiwalo kaugnay sa ulat na umano’y sinabi nito na dapat gumastos ng sariling pera ang mga pulitiko para sa kanilang constituents sa halip na umasa sa DSWD na pinabulaanan ng DSWD chief.
- Latest