Pagpapaliban ng Barangay, SK elections itinulak ni Alvarez
MANILA, Philippines – Maghahain ng panukalang batas si House Speaker Pantaleon Alvarez para sa pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa susunod na taon.
Sinabi ni Alvarez, sa panukala ay isusulong na gawin na lamang sa susunod na taon ang Barangay election sa halip na ngayong Oktubre 31, 2016.
Paliwanag ni Alvarez, kabilang sa kanilang mga rason para ipagpaliban ang nasabing eleksyon ay hindi pa nakukumpleto ang appointment ng mga nasa executive branch at kung mayroon umanong eleksyon ay bawal ang pag-aappoint. ikinokonsidera din nila ang pag-abolish ng SK dahil sa palagay ni Alvarez ay hindi ito tama dahil kapag pumili umano ng isang SK na nag-aaral at pilitin siyang magtrabaho ay posibleng hindi na siya papasok sa eskuwelahan. Kung papasok naman sa iskul ay hindi na magtatrabaho bilang SK kaya masasayang din umano ang pinapasuweldo dito ng gobyerno.
Bukod dito, pinag-aaralan na ng Kamara ang pag-aalis sa mga barangay kagawad dahil hindi naman umano sila nagtatrabaho at ang brgy. captain lang ang nagtatrabaho.
Kaya sa panukala ni Alvarez, sa halip na brgy. kagawad ay mga purok leaders na lamang ang piliin dahil sila umano ang tunay na nagtatrabaho.
Samantala, iginiit kahapon ni Senate Minority Leader Ralph Recto na dapat dagdagan ng P3.4 bilyon ang budget ng Commission on Elections (Comelec) para sa 2017 kung sa isang taon gaganapin ang Brgy at SK elections upang maghalal ng mga opisyal ng 42,028 barangays.
Ayon kay Recto, may panukala sa Kamara at Senado na gaganapin na lamang sa Oktubre 30, 2017 ang Brgy. at SK elections.
“The postponement bill must have as its companion measure the national budget,” dagdag ng minority leader.
- Latest