Pinas ‘di kakalas sa UN - Yasay
MANILA, Philippines - Matapos na magpahiwatig kamakalawa si Pangulong Rodrigo Duterte na bibitiw na lamang ang Pilipinas sa United Nations (UN), nilinaw kahapon ng Department of Foreign Affairs (DFA) na mananatiling miyembro ng UN ang Pilipinas.
Sa pulong balitaan sa DFA kahapon, sinabi ni Foreign Affairs Secretary Perfecto Yasay na hindi kakalas ang Pilipinas na founding member sa UN.
“We are committed to the U.N. despite our numerous frustrations with this international agency,” ayon kay Yasay.
Nilinaw ni Yasay na hindi dapat nagbabase lamang ang mga UN special rapporteurs sa mga nababasa nilang media reports kaugnay sa drug killings sa Pilipinas at dapat gumawa sila ng tamang pagsisiyasat alinsunod sa mga protocols.
Iginiit ni Yasay na ang giyera laban sa droga ng Duterte administration ay naayon sa “rule of law” at buo ang pagrespeto sa karapatang pantao at maging ang mga civil rights organization ay hinimok na maglabas ng ebidensya ng extrajudicial killings.
Binigyang-diin pa ni Yasay na ang Philippine National Police, mula sa kautusan ni Pangulong Duterte ay patuloy na nag-iimbestiga mula sa mga ulat na insidente ng patayan o paglabag sa karapatang pantao at binalaan ang mga pulis na maparurusahan kapag lumabag sa batas.
“Media reports may serve as their lead, but such reports do not constitute “prima facie” evidence of fact. It is highly irresponsible on their part to solely rely on such allegations based on “information” from unnamed sources without proper substantiation. Furthermore, they are not acting in accordance with existing procedures in engaging and cooperating with member states,” pahayag ni Yasay para sa mga special rapporteur na naghayag na handa silang magsagawa ng imbestigasyon sa extrajudicial killings sa Pilipinas.
Giit ni Yasay, dapat maklaro na ang mga special rapporteurs ay mga “independent human experts” at umaakto lamang sa kanilang personal na kapasidad.
Binigyang-diin ng kalihim na isa sa mga founding members ng UN ang Pilipinas at mananatili ang paninindigan nito sa mga adhikain at layunin ng nasabing body.
- Latest