Drug probe vs Leila, ikinasa ng Kamara
MANILA, Philippines - Inaasahang maisasalang sa isasagawang imbestigasyon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso si dating Justice Secretary at ngayo’y Senator Leila de Lima kaugnay sa pagkakaugnay nito sa illegal drug trade ng mga convicted drug lords sa National Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.
Ito ay matapos na ihain ang House Resolution No. 105 nina House Speaker Pantaleon Alvarez, Majority leader Rodolfo Fariñas, Minority leader Danilo Suarez, Deputy Speaker Raneo Abu, Rizal Rep. Michael John Duavit, House Committee on Public Order and Safety Chairman Romeo Acop at Appropriations Committee Chairman Karlo Alexie Nograles na layuning imbestigahan, “in aid of legislation” ng liderato ng Kamara de Representantes ang umano’y paglaganap ng sindikato ng droga sa loob ng NBP noong nasa ilalim pa ito ng pangangasiwa ni de Lima sa Department of Justice.
Nakasaad sa resolusyon na ang mga convicted drug lords na sina Herbert Colangco at Peter Co ay matagal nang nakapiit sa NBP subalit patuloy pa rin ang kanilang drug operations habang nagpapasarap sa kanilang magagarbong mga kubol. Napatunayan na umano ito sa isinagawang raid noong Disyembre 14, 2015 sa NBP kung saan nadiskubre ang shabu laboratories at mga drug paraphernalia, mga baril, mamahaling alahas at iba pang appliances.
Lumalabas din na ang pangunahing kulungan sa bansa ay isa ng permanenteng asylum o taguan ng mga drug lords, gambling lords at mga local marfiosi na nagpapatuloy ang operasyon at kasabwat ang ilang kawani at security personnel ng NBP.
Ang NBP, ay nasa ilalim ng hurisdiksyon at pangangasiwa ng DOJ. Sinasabing talamak ang mga bilanggong gumagamit ng droga dito, matindi ang karahasan at kurapsyon na kinabibilangan ng mga guwardiya at mga preso.
Noong si de Lima pa ang kalihim ng DOJ, nagkaroon ng 30 beses na sorpresang pagsalakay sa mga bilanggo sa NBP kabilang ang mga convicted drug lords kung saan nakakumpika noon ng milyon-milyong piso, mamahaling gadgets, mga relos, matataas na kalibre ng mga baril, live ammunition, mga mamahaling appliances at marami pang iba.
Inaatasan ng resolusyon na magsagawa ng imbestigasyon ang House Committee on Dangerous Drugs. Kaugnay sa nasabing isyu.
Samantala, sa Lunes na ang imbestigasyon namang pamumunuan ni de Lima sa Senado kaugnay sa extra judicial killings sa mga sangkot sa droga.
- Latest