Mangisda pero ‘ingat’! Payo ng Palasyo sa mga papalaot sa WPS
MANILA, Philippines - Nilinaw ng Malacañang na hindi nila pinagbabawalan ang mga mangingisdang Pinoy na mangisda sa Scarborough Shoal pero pinag-iingat lamang sila, ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella.
Sinabi ni Sec. Abella, hindi pinagbabawalan ng gobyerno na mangisda sa Scarborough Shoal ang mga mangingisda mula sa Zambales subalit pinayuhan silang mag-ingat sa kanilang paglalayag.
“Fishermen not being prevented from fishing in Scarborough, but asked to proceed with caution,” paliwanag pa ni Sec. Abella sa media briefing sa Malacañang.
Magugunita na nagrereklamo muli ang mga mangingisda sa Scarborough Shoal dahil sa ginagawang pagtataboy sa kanila ng Chinese Coast Guard na nagbabawal sa kanilang mangisda sa nasabing lugar.
May nakabantay na barko ng Chinese Coast Guard bago pumasok sa Scarborough Shoal at ng may magtangkang mangingisda na pumasok sa lugar ay pinaikutan sila ng speed at motor boat ng CCG at inutusan silang lisanin ang lugar.
Sa isang panayam, sinabi naman ni Masinloc, Zambales Mayor Arsenia Lim na halos wala nang makain ang daang mangingisda at kanilang pamilya sa Masinloc dahil sa epekto ng panggigipit at pagharang ng mga Tsino sa mga Pinoy sa sariling teritoryo sa Scarborough Shoal.
Sinabi ni Lim na hindi na pinahintulutan ang mga mangingisda na magtungo sa Scarborough dahil sa ginawang pagbabawal ng mga Tsino.
Sa gilid-gilid na lang umano ng baybayin ng Masinloc nanghuhuli ng isda ang mga apektadong mangingisda kung saan halos wala silang makuha.
Nanawagan si Lim na masolusyunan ang araw-araw na pangangailangan ng mga apektadong mangingisda at mabigyan sila ng gobyerno ng livelihood o mapagkakakitaan bilang alternatibo nilang ikabubuhay.
- Latest