Inaugural speech ni Digong, walang pagmumura
MANILA, Philippines – Inaasahan na wala umanong maririnig na pagmumura sa inaugural speech ni President-elect Rodrigo Duterte sa Hunyo 30 na isasagawa sa Palasyo ng Malacanang.
Ayon kay Atty. Jesus Melchor Quitain, Davao City administrator at 14 taon nang speech writer ni Duterte, aasahan ng publiko na walang salitang “PI” at magiging pormal, maikli at walang paliguy-paligoy ang magiging speech ng incoming president.
“If you’ll notice, in his extemporaneous speech, maraming P.I.s (curse word). So in a formal speech, you have to do away with that language,” wika ni Quitain.
Sinabi ni Quitain na tatagal lamang ng limang minuto ang speech ni Duterte na nasa wikang English kung saan kasama sa nilalaman ang paghimok ng bagong pangulo sa mga mamamayan na tulungan siyang maiangat ang bansa.
Kabilang umano sa nilalaman ng speech ang mga paboritong linya ni Duterte mula sa mga international leaders at galing mismo sa kanya.
Nakapaloob din sa mensahe ang ilang memorable quotes ni Duterte tulad ng “Ours must not only be a government for the people and by the people. More than that, this government must be a government must be a government for the least, last and lowest.”
Kasama din ang “The trouble with us in government is we talk too much, act too slow and do too little.”
Una nang sinabi ng kampo ni Duterte na 500 lamang na guests ang inaasahan nilang dadalo sa inagurasyon sa Palasyo.
- Latest