Mount Bulusan sumabog Gobyerno naghanda na
MANILA, Philippines - Inatasan kahapon ni Pangulong Benigno Aquino III ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) gayundin ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang tulungan ang mga residente na apektado ng pagsabog ng Mt. Bulusan kahapon ng umaga sa Sorsogon, ayon kay PCOO Sec. Herminio Coloma Jr.
Sinabi ni Sec. Coloma, patuloy ang koordinasyon ng tanggapan ni Pangulong Aquino sa NDRRMC at DSWD para sa magiging hakbang na gagawin kasunod ng pagsabog ng Mt. Bulusan kahapon dakong alas-11:35 ng umaga.
Ayon kay Renato Solidum ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), ang pagsabog ng Mt. Bulusan kahapon ng umaga ay ‘phreatic’ na nagbubuga ng abo.
Wika pa ni Solidum, nakapagtala ang kanilang Phivolcs station ng 113 na pagyanig sa paligid ng Mt. Bulusan at umabot sa 2,000 metro ang taas ng pagbubuga ng abo nito.
Sinabi naman ni Eduardo Laguerta ng Phivolcs-Legazpi, posibleng maapektuhan ng ash fall ang Cogon sa Irosin gayundin ang Puting Sapa sa Juban, Sorsogon.
“Residents outside the 4-kilometere area are safe, but must prepare for possible ashfall,” wika pa ni Solidum.
May record na 16 na pagsabog na ang Mt. Bulusan kung saan ang unang eruption nito ay noong 1852 at ang pinakahuling pagsabog naman ay nitong 2011.
- Latest