Japan bukas na sa OFWs
MANILA, Philippines – Sisimulan na ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang pagtanggap ng aplikasyon para sa mga overseas Filipino worker (OFW) na nais magtrabaho sa Japan bilang household helpers o housekeepers.
Ito’y matapos na tuluyan nang buksan ng Japanese government ang kanilang pintuan para sa dayuhang household helpers. Ayon kay POEA administrator Hans Leo Cacdac, sisimulan na nila ang pagproseso ng aplikasyon ng mga OFWs patungong Japan sa Hunyo 19.
Upang maging kuwalipikado, ang isang aplikante ay kinakailangan may isang taong karanasan sa housekeeping, may Level 2 Certification mula sa mga Technical Education and Skills Development Authority (TESDA)-accredited training center at marunong magsalita ng Niponggo dahil hindi lahat ng Hapones ay marunong mag-Ingles.
Nilinaw naman ni POEA Deputy Administrator Amy Reyes on deployment of household service workers to Japan, na hindi sila tatanggap ng direct hiring at kinakailangang dumaan din ang mga aplikante sa mga lisensyadong recruitment agencies.
Mahigpit rin nilang ipinagbabawal ang anumang pangungolekta ng placement fee mula sa mga aplikante, gayundin ng language training fees, at transportation fares.
Gayunman, dapat sagutin ng aplikante ang gastos sa kanilang pasaporte, clearance, preliminary medical examination at gayundin ang kanilang membership fees sa PhilHealth at Pag-ibig.
- Latest