Koalisyon ng mga solon sa Kamara, ikinasa
MANILA, Philippines – Sinimulan na ang pakikipag-alyansa ng mga miyembro ng Liberal Party sa PDP Laban ni incoming President Rodrigo “Digong” Duterte.
Kahapon ay nagtungo sa Davao City at nakipagkita si House Speaker Feliciano Belmonte Jr. kasama ang ibang Liberal Party (LP) members kay incoming Speaker Pantaleon Alvarez.
Ayon kay Belmonte, suportado ng mga kongresista mula sa LP ang pagbuo ng super majority coalition sa Kamara para suportahan ang speakership ni Rep. Pantaleon Alvarez.
Ayon kay Belmonte, alam ni Pangulong Benigno Aquino III ang pagpunta nila sa Davao upang mag-courtesy call din kay President-elect Rodrigo Duterte sa Presidential Guest House sa Panacan, Davao City kasama ang ibang kongresista.
Inamin din ni Belmonte na ang una niyang partido ay PDP-Laban bago siya naging miyembro ng LP pero nilinaw na hindi umano ito nangangahulugan na lilipat na siya sa PDP-Laban.
Aniya, hindi rin nangangahulugan na magiging “rubber stamp” na lamang ang Mababang Kapulungan ng Kongreso sa anumang naisin ng Malacañang.
“It doesn’t mean na nandun ka sa majority, yes-man ka. May sarili kang sentido,” diin ni Belmonte sa interbyu ng media sa Davao City.
Idinagdag pa ni Belmonte na, ang paglipat ng partido o pagsapi sa koalisyon ay hindi maituturing na “phenomenon” sa Pilipinas dahil nangyayari din ito sa Europe.
Nilinaw ni Belmonte na sakaling magkaroon ng koalisyon ang LP sa Kamara sa PDP Laban ay sa Kamara lang ito at hindi kasama ang sa Senado.
Wala rin umano siyang rekomendasyon kay Duterte para mabigyan ng puwesto sa kanyang administrasyon si Vice President-elect Leni Robredo.
Sinabi naman ni Rep. Alvarez, dahil sa pagsuporta ni Speaker Belmonte sa kanyang liderato ay magkakaroon ng super majority coalition sa Mababang Kapulungan.
- Latest