Media ‘di pinaporma sa ‘DU31’ thanksgiving party
MANILA, Philippines – Kasunod ng pahayag ni President-elect Rodrigo Duterte na kanyang boboykotin ang media, hindi na pinaporma pa ang mga mamamahayag na makalapit sa stage kung saan una silang binigyan ng lugar sa pagdaraos ng thanksgiving party para sa incoming president na may temang “DU31: One Love One Nation” kahapon ng hapon hanggang ala-1 ng madaling-araw ngayong Linggo.
Nabatid sa organizer ng thanksgiving at victory party na hindi na ibinigay sa mga mediamen ang lugar na unang inilaan para sa kanila malapit sa stage para sa coverage at para malapitan si Duterte.
Habang sinusulat ito, inasahan na alas-10 kagabi magbibigay ng pananalita si Duterte.
Ayon kay Police Regional Office (PRO) 11 Director P/Chief Supt. Manuel Gaerlan, bandang alas-6 ng gabi ay nasa 120,000 na ang dumagsa sa nasabing thanksgiving party.
Inaasahan namang hanggang madaling-araw ay aabot sa 300,000 ang daragsa sa nasabing makasaysayang pagtitipon.
Hindi na pinayagang maipasok ang mga backpack at kinumpiska ang mga bagay na ipinagbabawal tulad ng lighter, sigarilyo at matutulis na bagay.
Mahigpit ang seguridad dahil sa unang intelligence information ng pulisya na nasa Davao City umano ang 24 terorista na pawang mga bombers at kidnappers.
- Latest