Palasyo ayaw patulan ang intriga sa kampo ni Duterte
MANILA, Philippines – Hangad ng Malacañang na maging maayos ang pagpapalit ng administrasyon kaya hindi na dapat patulan pa ang mga napapaulat na intrigahan at sinasabing “infighting” sa papasok na administrasyon.
Ito ang sinabi kahapon ni Communications Secretary Sonny Coloma nang kunan ng reaksiyon tungkol napapaulat na pagkadismaya ng ilang malalapit kay presumptive president Rodrigo Duterte dahil hindi nakokonsulta sa pagpili ng mga bagong miyembro ng Gabinete.
Matatandaan na napaulat na nadismaya si Pastor Apollo Quiboloy na kilalang malapit kay Duterte dahil naitsapuwera umano ito sa pagpili ng mga bagong cabinet members.
Sinabi ni Coloma na nais ng Malacañang na maging maayos ang transition at mas mabuting ibigay ang buong suporta sa Duterte administration at iwasan ang mga pagpatol sa intriga.
“Siyempre po ang nais po natin ay iyong maayos na transition at ‘yung ganap na paghahanda ng papasok na administrasyon para sa tungkuling kanilang mga gagampanan. At mainam talaga kung ibibigay natin ang ating buong suporta at lahat din ng sektor ng ating lipunan ay magbibigay nang buong suporta sa papasok na administrasyon. Kaya siguro mas mainam na huwag na nating bigyang-buhay pa kung anumang mga intriga, espekulasyon, usap-usapan tungkol diyan,” pahayag ni Coloma.
Sinabi pa ni Coloma na hindi sasali ang Malacañang sa nasabing intrigahan at mas makakatulong sa bagong administrasyon kung magbibigay ang lahat ng suporta.
“Unang-una, wala po kaming kinalaman at hindi naman po kami kalahok doon. Pero bilang mga observer lang at bilang nagkaroon na rin ng karanasan sa ganyang proseso na bilang isang incoming administration, talaga po namang makakatulong nang husto kung lahat ay magbibigay na lang ng kanilang suporta,” ani Coloma.
Kinumpirma rin ni Coloma na naging maayos ang pag-uusap nila ng magiging kapalit niya na si Atty. Salvador Panelo nang magtungo ito sa Malacañang noong Biyernes.
“Patuloy ang pakikipag-usap namin sa isa’t-isa dahil kami naman ay matagal nang magkakilala. At binigyan ko si Atty. (Salvador) Panelo ng background tungkol doon sa mga mahalagang aspeto na ginagampanan ng --- mga tungkulin na ginagampanan ng isang communications secretary, kung paano ‘yung organisasyon natin,” dagdag ni Coloma.
Naniniwala si Coloma na hindi na maninibago si Panelo sa bagong trabaho dahil bilang isang abogado umano ay malawak na rin ang naging karanasan nito sa pagharap sa media.
“Siya (Panelo) naman ay may malawak na ring karanasan sa pakikipag-ugnayan sa mga kagawad ng media sa kanyang pagiging manananggol sa iba’t-ibang kaso at iba’t-ibang mga kliyente kaya hindi rin naman siya naninibago diyan sa mga naisalaysay ko na rin sa kanya,” pahayag ni Coloma.
- Latest