Grace usap tayo - Mar
MANILA, Philippines - Nanawagan kahapon si Liberal Party Presidential bet Mar Roxas sa katunggali niyang si Grace Poe na mag-usap sila alang-alang sa kapakanan ng sambayanan.
Sa isang press conference, sinabi ni Roxas na “in the spirit of unity and welfare of our country, am calling on Sen. Grace Poe for a dialogue for the sake of our country.”
Ang panawagan ni Roxas ay ginawa sa harap ng patuloy na pamamayagpag sa rating ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa kabila ng kanyang mga malalaswang pahayag at pag-amin na pinapatay niya mismo ang mga criminal.
Pinangangambahan na kung maluluklok na Pangulo si Duterte ay isang diktaduryang pamahalaan ang kanyang ipaiiral. Inamin niya mismo na kapag naging Presidente siya ay malamang buwagin niya ang Kongreso kapag ayaw sumunod sa kanya.
Sa kabila ng mga alegasyon na siya ay may tagong-yaman at ang mga kontrobersyal na pahayag tulad ng kanyang rape-joke, nananatiling frontrunner si Duterte sa mga surveys ng Pulse Asia at SWS.
Bagamat marami ang nagagalit kay Duterte sa magaspang niyang asal, marami din ang mga taong sumusuporta sa kanya at ibig siyang maging Pangulo.
Samantala, sa gitna ng panawagam ni administration candidate Mar Roxas na ma-usap sila ni Senator Grace Poe, agad na nilinaw ni Poe na hindi siya aatras para sa kandidatura ni Roxas.
Ayon kay Poe, hindi sapat ang paglamang sa kanya ni Roxas sa isang survey para siya ang magparaya.
Nilinaw pa ni Poe na hindi na siya naniniwala sa pamamaraan ng pamamalakad ng kasalukuyang gobyerno kaya walang dahilan para siya ang magparaya kay Roxas.
“Hindi na naman ako naniniwala sa kanilang pamamaraan ng pamamalakad sa gobyerno,” ani Poe.
Sinabi pa ni Poe na maari naman silang mag usap ni Roxas pero malinaw umano na hindi siya aatras.
Idinagdag pa ni Poe na kung may plano ang kampo ni Roxas na ipagamit ang makinarya nito, sila dapat ang maghayag nito.
- Latest