UNA: Si Binay lang ang tutugon sa kahirapan
MANILA, Philippines – Sa lahat ng kumakandidato sa pagkapangulo, ang pambato lang ng United Nationalist Alliance (UNA) na si Vice President Jejomar Binay ang may kakayahan at karanasan upang tugunan ang problema ng kahirapan, sabi ni UNA campaign spokesperson Rico Quicho.
Aniya, lumaki sa hirap ang bise presidente at naranasan niya kung paano maging salat sa buhay.
Ayon pa kay Quicho, sa isang bagay lang nakatutok si Binay ngayon - sa pagtugon sa kahirapan at pagtulong sa maralitang mamamayan.
Sinabi rin ni Quicho na naniniwala si Binay na hindi dapat mamuno ang mga kandidatong walang malasakit sa mga kapuspalad.
Bilang dating human rights lawyer, kinokondena ni Binay ang isang gobyerno na namamaril ng mga maralitang magsasaka na humihingi lamang ng tulong, sabi ni Quicho.
Dagdag pa nya, naging matagumpay si Binay sa pagtugon sa kahirapan sa Makati noong siya pa ang mayor ng lungsod.
Tiniyak din ni Quicho na ipagpapatuloy ni Binay ang mga programa niyang nakapag-angat sa buhay ng mga taga-Makati kapag siya na ang pangulo ng bansa.
Binuweltahan naman ni Quicho si Sen. Grace Poe hinggil sa kawalan niya ng karanasan sa pamumuno. Sabi niya, ang senador mismo ang umamin noong isang taon, na hindi pa siya handa maging presidente.
Sa isang panayam, sinabi ni Poe na hindi biro ang pagiging pangulo at hindi ito para sa mga hindi handa. Dagdag pa niya, sa tingin nya marami pa siyang kailangang matututunan.
Ayon kay Quicho, siguradong hindi handa si Poe dahil minsan na niyang tinalikuran ang kahirapan sa bansa.
Aniya, kailangang maging matalino ang mga botante kung sino ang kanilang pipiliin, ang isang dating US citizen ba na nagtrabaho sa pamahalaan ng Estados Unidos o sa isang lingkod bayan na nag-alay na ng kanyang buhay sa pagtulong sa mga mahihirap.
Dagdag pa ni Quicho, hindi karapat-dapat maging pangulo ang sinuman na nagpapanggap na OFW, samantalang isa na siyang US citizen at namumuhay nang masagana sa Amerika o sinuman na naghahayag na siya ay Pilipino samantalang itinakwil niya ang kanilang pagka-Pilipino.
- Latest