Kampanya umpisa na bukas
MANILA, Philippines – Umpisa na bukas, Pebrero 9 ang national campaign para sa tumatakbong presidente, bise-presidente, senador at partylist.
Ang tambalang Mar Roxas-Leni Robredo ay magsisimula ng kanilang kampanya sa Roxas City sa umaga at Iloilo City kinagabihan.
Ang Sen. Grace Poe-Sen. Chiz Escudero tandem ay sa Plaza Miranda sa Maynila ang kick off rally habang sina Vice-President Jojo Binay at Sen. Gringo Honasan naman ay sa Mandaluyong City.
Sa Batac, Ilocos Norte naman magsisimula ang kampanya nina Sen. Miriam Defensor-Santiago at Sen. Bongbong Marcos.
Habang sina Davao City Mayor Rodrigo Duterte at Sen. Alan Peter Cayetano ay sa Tondo, Manila ihahayag ang kanilang kandidatura.
Samantala, ikinasa na ng MMDA ang “Oplan Baklas” laban sa mga iligal na campaign materials na nakakabit sa mga ipinagbabawal na lugar sa pagsisimula ng opisyal na “campaign period”.
Sinabi ni MMDA Chairman Emerson Carlos, nasa 100 nilang tauhan ang mag-uumpisa sa pagkukutkot sa mga nakadikit na mga posters at stickers, pagtatanggal sa mga tarpaulins na nakasabit sa mga lugar na hindi kasama sa “common poster areas” na idedeklara ng Commission on Elections.
Ayon kay Rod Tuason, pinuno ng Oplan Baklas, nangako na umano si Comelec Chairman Andres Bautista na sasamahan sila sa kanilang mga operasyon sa pagbabaklas habang ikinokonsidera rin ang pagsasama ng mga tauhan ng pulisya sa mga lugar na mainit ang mga kandidato sa halalan.
Karamihan umano sa mga pinagkakabit na mga tarpaulin ng mga politiko na mistulang bumabati lamang kahit hindi pa nag-uumpisa ang opisyal na kampanya ay nakakabit sa mga poste, puno, at maging sa mga kawad ng kuryente na nagdudulot ng panganib lalo na kung mapatid ang kawad o maaaring pag-umpisahan ng sunog.
Maaari namang tumawag ang publiko sa Metrobase 136 ng MMDA upang magsumbong sa mga campaign materials na iligal na ikinabit sa kanilang lugar.
Hindi naman maaaring baklasin ang mga campaign materials na nakakabit sa mga bahay dahil ikinukunsidera na pribado ang mga ito maliban na lamang kung may pahintulot ng may-ari ng bahay.
Nilinaw naman ni Carlos na hindi sila maaaring manghuli ng mga tauhan ng mga kandidato na maaaktuhan nilang nagkakabit sa hindi common poster area maliban na lamang kung may kasamang tauhan ng Comelec o pulisya na magsasampa ng kaso laban sa mga ito.
- Latest