6 ospital inalerto vs Zika virus
MANILA, Philippines – Bunsod na rin ng babala at paghahanda ng World Health Organization (WHO) laban sa Zika virus, inalerto na rin ni Manila Mayor Joseph Estrada ang anim na ospital ng lungsod gayundin ang Manila Health Department (MHD).
Ayon kay Estrada, kailangang handa na ang mga ospital sa anumang magiging update hinggil sa Zika virus bagama’t wala pang outbreak.
Sinabi ni Estrada na nagpalabas na siya ng direktiba sa mga opisyal at kawani ng mga city hospitals, health centers at related facilities na laging maging handa sa anumang eventuality at laging tiyakin ang libre, mabilis, at kumpletong health and medical services sa lahat ng Manilenyo.
Nabatid naman kay Dr. Regina Bagsic, over-all Coordinator ng Manila hospitals, ginagawa nila ang lahat ng paghahanda lalo pa’t ang Zika virus ay mosquito-borne, tulad na rin ng dengue. Dapat aniyang isagawa ang “prevention”.
Binigyan diin naman ni Dr. Benjamin Yson, hepe ng Manila Health Department na nangangasiwa sa 59 health center ng Maynila, pangunahing direktiba ni Estrada ay maagapan at mabigyan ng sapat na medical attention ang tatamaan ng Zika virus.
Sa katunayan, nagsagawa na sila ng fumigation upang matiyak na malinis ang paligid at walang lamok na namamahay na pinagmumulan ng Zika at dengue virus dahil iisang klase ng mosquito lang naman ang carrier.
- Latest