Makati, wagi sa ‘Seal of Child- Friendly Local Governance’
MANILA, Philippines – Tumanggap ang pamahalaang lungsod ng Makati ng Seal of Child-Friendly Local Governance mula sa Department of Interior and Local Government (DILG). Si DILG-Makati Director Rommel Cena ang naggawad ng pagkilala sa ngalan ng DILG, sa isang simpleng seremonyang ginanap pagkatapos ng flag raising ceremony sa city hall quadrangle.
Ayon kay Cena, ang SCFLG ay iginagawad sa mga karapat-dapat na pamahalaang lokal para sa kanilang pagpupursige sa pagsusulong ng mga karapatan ng mga bata. Ayon pa sa kanya, ito ang pangalawang pagkakataon na ginawaran ng nasabing pagkilala ang Makati. Matatandaan na noong nakaraang taon ay tumanggap din ng kaparehong pagkilala ang lungsod.
Pinuri naman ni Mayor Kid Peña ang walang humpay na pagsisikap ng Makati City Council for the Protection of Children sa pagtuklas ng makabagong pamamaraan upang isulong ang karapatan at kapakanan ng mga bata sa lungsod.
Ang Council ay pinamumunuan ng mayor, at binubuo ng City Councilors na namumuno sa mga komite na nauukol sa social welfare, presidente ng Liga, pinuno ng mga city offices at departments, mga kinatawan ng Makati-based national government agencies, youth representatives, at mga kinatawan mula sa civil society organizations.
Ang mga miyembro mula sa health, education at social services sectors ay nangunguna sa pagsusulong ng mga programang nagtataguyod ng mga karapatan ng mga bata.
Taun-taon, ang lungsod ay nagsasagawa ng Search for the Most Child-Friendly Barangays, kung saan lahat ng mga barangay ay hinihikayat na sumali.
- Latest
- Trending