DepEd sa mga pulitiko: ‘Wag suhulan ang mga guro
MANILA, Philippines – Binalaan ng pamunuan ng Department of Education (DepEd) ang mga pulitiko na huwag suhulan ang mga guro na magsisilbing Board of Elections Inspectors (BEIs) sa darating na national election sa bansa.
Ayon kay DepEd Assistant Sec. for legal and legislative affairs Tonisito Umali, labag sa batas at hindi dapat i-bribe o bigyan ng ano mang regalo ang mga guro na magsisilbi sa May 2016 election.
Sinabi ni Umali, ang ano mang regalo, insentibo at allowance na bigay ng isang pulitiko sa panahon ng kampanya o election period sa isang guro ay maliwanag na paglabag sa umiiral na election code na may katapat na parusa na maaaring ika-disqualify ng isang kandidato.
Maging ang pagbibigay ng pagkain at meryenda ng isang kandidato sa panahon ng halalan ay ipinagbabawal.
Aniya, may pondo na inilaan ang gobyerno para sa pagkain ng mga guro kaya huwag suhulan ang mga ito.
Nabatid na ang honorarium ngayon ng mga guro na magsisilbing BEIs sa 2016 election ay P4,500 na mas mataas ng P1,500 kumpara noong 2013 midterm polls, bukod pa ang 500 na transportation allowance at P500 sa testing at sealing ng mga machine na gagamitin sa halalan.
- Latest