PNoy sa DOH: Tiyaking handa sa Zika virus
MANILA, Philippines – Inatasan na ni Pangulong Aquino ang Department of Health (DOH) na tiyaking Zika virus-free ang Pilipinas.
Kasunod ito ng babala ng World Health Organization (WHO) na mabilis ang pagkalat ng sakit na nanggagaling sa lamok na may dala ng nasabing virus.
Ayon kay Presidential Communications Undersecretary Manolo Quezon III, nais ng Pangulo na matiyak ng DOH ang kaligtasan ng publiko mula sa nasabing virus na delikado lalo na sa mga buntis dahil sa nagiging epekto sa kanilang magiging anak.
Bagaman at hindi naman umano madaling maipasa ang nasabing virus sa ibang tao, ang mga pag-iingat para maiwasan ito ay katulad rin ng sa dengue virus.
Iginiit ni Quezon na pinakamahalagang paghahanda ay pagpapanatili ng kalinisan sa mga komunidad o kabahayan kung saan walang maaring pangitlugan ng mga lamok.
Dapat din daw maging alerto gaya sa kaso ng dengue kung saan agad magpacheck-up sa doktor kung may nararamdamang kahalintulad na sintomas gaya ng lagnat at maari ring ipagbigay-alam sa health centers o tanggapan ng DoH.
- Latest