Col. Marcelino itutumba! Drug syndicates reresbak sa ‘loob’
MANILA, Philippines – Nangangamba si dating AFP Chief of Staff at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Executive Director ret. Gen. Dionisio Santiago na ipatumba ng sindikato ng droga ang drug buster na si Marine Col. Ferdinand Marcelino
Ito’y matapos ilipat na ng kulungan ng PNP-Anti-Illegal Drugs Group (PNP-AIDG) si Marcelino sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Camp Bagong Diwa kahapon.
Sinabi ni Santiago na hindi malayong magawa ito ng mga sindikato dahil sa impluwensya ng pera at koneksyon.
Ayon kay Santiago na kumuha kay Marcelino para maging operatiba ng PDEA, napaka-krusyal ng pagkukulungan kay Marcelino dahil malalagay sa peligro ang buhay nito lalo pa at marami itong ipinakulong na mga miyembro ng sindikato ng illegal na droga.
Aminado si Santiago na nalulungkot siya sa nangyari dahil ginawa umanong dispensable asset si Marcelino nang hindi pa na-imbestigahan ng husto ang tunay na mga pangyayari at ito ay isang irreversible damage na mahihirapan ng malusutan ng dating tauhan.
Aniya, tiyak umanong malalagay sa peligro ang buhay ni Marelino kung ikukulong ito kasama ng ibang mga bilanggo. “Isang riot lang kunyari, tapos na si Marcelino,” ani Santiago.
Handa umanong magbayad ng malaking halaga ang mga sindikato ng droga na nasagasaan ni Marcelino para maitumba lamang ito.
“Kung nasa labas siya 50-50 ang tsansa niya may kakayahan siyang lumaban o ipagtanggol ang kanyang sarili, makipagbarilan siya sa babanat sa kanya,” ani Santiago.
Ayon kay PNP-AIDG spokesperson PCI Roque Merdeguia, inalis si Marcelino sa dati nitong piitan sa Camp Crame dahil ilan sa mga pulis na nakabase roon ay mga dating katrabaho ng military officer.
Bagama’t unang ikinonsidera ang PNP custodial center, hindi naman ito pinayagan dahil sa kawalan ng court order.
Sumailalim ang sundalo sa ilang test bago pinahintulutan ng doktor na maibiyahe ito.
Nahaharap si Marcelino sa patung-patong na kaso, kasama na ang kaugnayan nito sa natagpuang mahigit P300 million na halaga ng shabu at pagdadala ng baril kahit expired ang lisensya.
- Latest