Solons binira sa E-Nipas
MANILA, Philippines – Binatikos kahapon ni Palawan Rep. Douglas Hagedorn ang kanyang mga kasamahan sa House of Representatives dahil sa pagtatangka umanong idiskaril ang pagpapatibay ng Expanded National Integrated Protected Areas System (E-NIPAS) Bill noong Miyerkules ng gabi at hindi isinama ang limang krusyal na lugar sa Palawan.
Habang abala ang mga mambabatas sa pagsususog sa House Bill 6328, entitled “An Act Enhancing the National Integrated Protected Areas System (NIPAS), Providing for its Management and Repealing for the Purpose Republic Act No. 7586 as Amended” ay napansin ni Hagedorn na merong nagpanukalang tanggalin sa panukala ang ilang probisyon nito.
Nang hilingin ni Hagedorn na basahin ang pinatatanggal na probisyon, saka niya napagtanto na pinapaalis sa listahan ng mga protektadong lugar sa bansa ang limang lugar sa Palawan tulad ng El Nido Managed Resource Protected Area, Malampaya Sound Protected Landscape and Seascape, Mt. Matalinhaga Protected Landscape, Puerto Princesa Subterranean River National Park at Rasa Island Wildlife Sanctuary.
Ipinaliwanag ng ibang mambabatas na ibabalik sa bill ang limang lugar kapag pinulong na ang bicameral committee pero tinutulan ito ni Hagedorn. “Bakit sila tatanggalin kung ibabalik din sa bicam version,” tanong niya.
Bagaman hindi kinukumpirma ni Hagedorn kung merong mga opisyal ng Palawan na naglo-lobby para maalis ang naturang mga lugar, sinabi naman ni environmental lawyer Ipat Luna ng Environmental Legal Assistance Center Inc. (ELACI) na ang mga ito ay isang grupo ng mga opisyal ng lalawigan na pinangungunahan ng gobernador na merong stake sa industriya ng pagmimina.
- Latest