Itiniwalag na ministro sa INC: Sana matigil na ang kidnapping at illegal detention
MANILA, Philippines – Nanawagan ang itiniwalag na ministro ng Iglesia Ni Cristo (INC) sa pamunuan ng samahan na itigil na ang panggigipit sa kanilang mga miyembro.
“Sana 'yung mga nangyayari tulad ng kidnapping at illegal detention, sana matigil na," pahayag ni Lowell Menorca II ngayong Miyerkules sa kaniyang panayam sa ABS-CBN News Channel.
Nauna nang sinabi ni Menorca nitong nakaraang taon na dinukot siya ng mga tauhan ng Quezon City Police bago ikinulong sa INC compound sa loob ng tatlong buwan.
BASAHIN: Itiniwalag na ministro inalok umano na umalis ng Pinas at manahimik
Umapela rin ang dating ministro kay INC Executive Minister Eduardo Manalo na makipag-usap sa kapatid at ina niya.
Itiniwalag din ng INC ang ina ni Manalo na si Tenny at kaniyang kapatid na Angel matapos maglabas ng video na nagsasabing may mga dinukot na ministro ang mismong simbahan.
Sinabi pa ni Menorca na dapat ay magsagawa ng imbestigasyon si Manalo sa umano’y kaanomalyahan sa kanilang Sanggunian.
"They are hiding under the clout of the executive minister na para bang untouchable sila, hindi sila pwedeng pakialaman. This time hayaan sila sa due process na sila magkaroon din ng internal investigation sa loob ng INC," patuloy ni Menorca.
Inaresto si Menorca nitong nakaraang linggo ilang oras bago siya magtungo sa Court of Appeals para sa pagdinig ng kaniyang petitions of writs of habeas corpus at amparo na inihain niya laban sa INC.
Aniya pakana ito ng INC, ngunit mariing itinanggi ng simbahan.
- Latest