Parangal inisnab ng ilang kaanak ng SAF 44
MANILA, Philippines – Inisnab kahapon ng ilang biyuda at pamilya ng fallen Special Action Force (SAF) 44 ang parangal ni Pangulong Aquino para sa mga bayaning commandos sa Mamasapano massacre.
Sa isinasagawang ‘commemoration at heroism award ‘ para sa SAF 44 na pinangunahan ni PNoy, walang umakyat sa entablado para tumanggap ng posthumous Distinguished Conduct Star medal para kina PO2 Nicky Nacino at PO1 Rennie Tyrus.
Naging kapuna-puna naman na tanging ang mga mistah nina Senior Inspector Max Jim Tria at PO2 Franklin Danao ang kumuha ng parangal para sa dalawang nasawing SAF troopers. Si Senior Inspector John Garry Erana ay kinuha naman ng kaniyang tiyuhin ang parangal.
Hindi rin nagpakita sa nasabing pagpaparangal ang misis ni Sr. Inspector Ryan Pabalinas na si Ericka sa halip ay ang ama at kapatid nitong lalaki ang tumanggap ng parangal mula sa Pangulo.
Magugunita na si Ericka Pabalinas ang nagsilbing ‘mouthpiece’ ng mga biyuda ng SAF 44 at kanilang mga pamilya ng tahasang manawagan ng hustisya kay PNoy sa burol ng SAF commandos sa Camp Bagong Diwa, Taguig City matapos na iuwi ang bangkay ng mga ito sa Metro Manila ilang araw matapos ang malagim na ‘Oplan Exodus’.
Samantala dalawa naman sa mga ito ay binigyan ng posthumous Medal of Valor award na sina Inspector Gednat Tabdi at PO2 Romeo Cempron.
Si Tabdi ang nanguna sa paglusob sa kubo sa pinagtataguan ng international terrorist na si Marwan at pumutol ng daliri nito na isinailalim sa DNA test habang si Cempron naman ay isinangga ang katawan sa pagpapaulan ng bala ng MILF at BIFF rebels para makatakas ang survivor na si PO2 Christopher Lalan.
Enero 25, 2015, inilunsad ang Oplan Exodus upang hulihin ang terrorist na si Zulkipli bin Hir alyas Marwan, may patong sa ulong $5M at Pinoy henchman nitong si Abdulbasit Usman. Napatay sa operasyon sa Mamasapano si Marwan pero naging kapalit nito ang buhay ng SAF 44 habang si Usman ay napaslang noong Mayo ng nasabi ring taon.
Samantala, sa ikatlong pagkakataon ay nakipagpulong si Pangulong Benigno Aquino III sa mga naulila ng SAF 44 sa Camp Crame, Quezon City, ayon kay PCOO Sec. Herminio Coloma Jr.
Ipinabatid ni Pangulong Aquino sa mga biyuda at naulila ng mga miyembro ng SAF 44 ang naipatupad ng gobyernong tulong para sa mga ito.
“They are discussing the implementation of various forms of assistance extended by the government such as: housing, education, employment and livelihood assistance. The President has instructed concerned government officials to exert all efforts to extend the needed assistance to the families. Meeting started at 11 am and is still ongoing,” wika pa ni Sec. Coloma.
Wika pa ni Coloma, ito ang ikatlong pagkakataon na pinulong ni Pangulong Aquino ang mga naulila ng SAF 44 kung saan ang unang pagkakataon ay noong burol ng mga ito sa Camp Bagong Diwa noong Enero 30, 2015 at ang ikalawa naman ay noong Pebrero 2015.
- Latest