Pulis, sundalo bawal magsuot ng t-shirt, sumbrero ng kandidato
MANILA, Philippines – Bawal magsuot ng t-shirt, polo shirt, sumbrero o pulseras na goma (wrist band) at iba pang mga paraphernalias na gamit sa pangangampanya ng mga kandidato ang mga pulis at sundalo kaugnay ng nalalapit na lokal at pambansang halalan sa bansa sa Mayo taong ito.
Ayon kay Supt. Rogelio Simon, deputy assistant for Diplomatic Protection Unit ng Police Security and Protection Group (PSPG), mahigpit na ipinagbabawal ang anumang uri ng paglabag sa Omnibus Election Code.
Sinabi ni Simon, alinsunod sa direktiba ni PNP Chief Director General Ricardo Marquez ay bawal ang ‘partisan political activity’ o pakikisawsaw sa pulitika ang mga pulis.
“Even the police escorts is prohibited from wearing campaign materials t-shirts, polo shirts and other election paraphernalias of a certain candidates,” ani Simon.
Maging ang pagbibitbit ng mga election materials ng mga police security escorts ng mga kandidato, pagdidikit at pamamahagi ng mga pamplets, leaflets at iba pa ay mahigpit rin nilang ipinagbabawal.
Sinabi naman ni AFP Public Affairs Chief Col. Noel Detoyato na bawal isuot sa loob ng mga kampo ng militar ang nasabing mga t-shirts, polo shirts, sombrero at iba pang gamit sa pangangampanya ng mga kandidato dahil nagpapakita ito ng pagpanig sa isang kandidato na mahigpit na ipinagbabawal ng AFP.
“Kung matutulog sila at magsusuot sila ng mga t-shirts, poloshirts at iba pa ng mga kandidato basta walang makakakita walang violation, pero mabuti pang huwag na lang nilang gawin para hindi sila sumabit,” ani Detoyato.
Sinabi pa ni Detoyato na hindi saklaw ng pagbabawal sa nasabing mandato ang pamilya at mga kamag-anak ng mga sundalo.
Binigyang diin pa ng mga opisyal na sinuman ang mahuhuli ay papatawan ng kaukulang parusa.
- Latest