Caguioa bagong SC justice
MANILA, Philippines - Itinalaga kahapon ni Pangulong Aquino bilang bagong miyembro ng Korte Suprema si Justice Sec. Alfredo Benjamin Caguioa.
Nilagdaan ng Pangulo ang appointment ni Caguioa nitong Enero 22 at ipinadala na ito kay Chief Justice Lourdes Sereno.
Pinalitan ni Caguioa ang binakanteng pwesto ni Associate Justice Martin Villarama noong Enero 16.
Si Caguioa ang ika-anim na appointee ni Pangulong Aquino sa Korte Suprema kasunod nina Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno, Associate Justices Marvic Leonen, Bienvenido Reyes, Estela Perlas-Bernabe at Francis Jardeleza.
Pinili ni Aquino si Caguioa mula sa final list na inirekomenda ng Judicial and Bar Council (JBC).
Samantala, itinalaga rin si Justice Undersecretary Emmanuel Caparas bilang acting DoJ secretary.
Batay sa profile ng kalihim sa DoJ website, tinawag itong “seasoned, well-respected and highly regarded litigation practitioner” sa loob ng 25 taon lalo na sa commercial, civil at criminal litigation.
Humawak na rin itong bilang private prosecutor, defense counsel sa mga korte at sa Sandiganbayan.
Tinanggap siya sa Philippine Bar noong 1986 at pang-15th sa 1985 Bar Examinations.
- Latest