Medical services libre pa rin sa Maynila, mananabotahe, binalaan ni Mayor Erap
MANILA, Philippines – Binalaan ni Manila Mayor Joseph Estrada ang mga duktor at iba pang medical workers sa mga ospital at health center ng lungsod na ipaghaharap niya ng kaso ang sinumang mapapatunayang nanabotahe sa programang pangkalusugan ng lokal na pamahalaan.
Ayon kay Mayor Erap, nanatiling libre ang lahat ng serbisyong medikal sa mga pampublikong ospital sa lungsod basta’t residente lamang ng Maynila.
Sa mga unang buwan niya bilang alkalde, sinabi ni Erap na nadiskubre nilang marami sa mga nakikinabang ng free medical services ng lungsod ay hindi naman taga-Maynila kaya kinailangan nilang magsagawa ng imbentaryo sa mga nagiging pasyente.
“Naagawan pa ng serbisyo ang mga residente ng Maynila dahil nalaman natin na may mga taga-Kalookan, taga-Pasay at mga taga ibang lungsod ang dumadayo pa sa Maynila para magpagamot magmula nang palawakin at isaayos natin ang medical services dito,” sabi pa ni Mayor Erap.
Katunayan, sinabi ng alkalde na marami nang nakikinabang ng libreng serbisyo sa Manila Dialysis Center magmula nang malagyan ng bagong dialysis machine para sa mga kidney patients.
Tahasang sinabi ni Mayor Erap na 40 years napabayaan ang Ospital ng Maynila dahil sa kawalan ng mga gamot, pasilidad at duktor subalit sa loob lamang kanyang unang termino ay nasagip niya ito para mas pakinabangan ng mga taga-lungsod.
“Ang maipagmamalaki natin, ngayon kahit anong oras sila mangailangan ng medical services sa mga ospital ng lungsod ay magagamot sila dahil kumpleto sa mga pasilidad at siguradong may gamot,” dagdag pa ng alkalde.
Muling pinaalalahanan ni Mayor Erap ang mga taga-Maynila na libre ang lahat ng serbisyong medical sa mga ospital ng lungsod at hinimok niya ang mga mamamayan na direktang magpunta sa kanyang opisina kapag nabiktima ng pananabotahe ng mga mga tiwali at namumulitikang medical staff.
- Latest