Botohan ng HRET kinuwestyon ni Rep. Reyes
MANILA, Philippines - Kinuwestyon ng kampo ni Marinduque Congw. Gina Reyes ang naging botohan ng House of Reps Electoral Tribunal sa kaso kaugnay sa kung sino nga ba talaga ang dapat na maupong kinatawan ng Marinduque sa Kamara.
Giit ni Atty. Harry Roque, abogado ni Reyes, ang isa sa mga miyembro ng HRET na si Gabriela Rep. Luz Ilagan ay hindi na dapat makilahok sa ginawang botohan noong Disyembre.
Ang desisyon ng HRET na wala na sa kanilang hurisdiksyon ang kaso ang naging batayan ng inilabas na writ of mandamus ng Korte Suprema na nag-aatas sa liderato ng Kamara na si Lord Allan Velasco ang pauupuin bilang kinatawan ng Marinduque sa Kamara.
Paliwanag ni Roque, salig sa nakasaad sa section 15 ng RA 7941 na kung ang isang partylist representative ay naghain ng COC sa ilalim ng ibang sectoral o political affiliation 6 na buwan bago ang halalan ay dapat na considered na ito bilang resigned.
Dahil rito, mula sa botong 4-3 ay balik umano sa 3-3 ang resulta ng botohan kung aalisin ang naging boto ni Ilagan.
Si Ilagan ay naghain ng COC nitong Oktubre bilang konsehal ng 3rd district ng Davao City sa ilalim ng political party na Hugpong sa Tawong Lungsod ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte.
Nagtataka ang kampo ni Reyes kung bakit pinayagan ni SC Justice Presbitero Velasco, chairman ng HRET, si Ilagan na makasali sa botohan sa kabila ng nasabing batas.
Dagdag pa ni Roque, hanggang ngayon ay wala pa silang natatanggap na kopya ng resolusyon ng HRET kaya hindi ito maituturing na pinal na.
- Latest