Itiniwalag na INC minister arestado
MANILA, Philippines — Dinakip ng mga awtoridad ngayong Miyerkules ng umaga ang itiniwalag na ministro ng Iglesia Ni Cristo (INC) para sa kasong libel.
Hinuli ng mga tauhan ng Manila police si Lowell Menorca II matapos siyang sampahan ng kasong libel ng Marawi City.
Inaresto si Menorca na haharap sana sa Court of Appeals ngayong araw para sa writs of habeas corpus at amparo na inihain niya laban sa INC.
Sa kaniyang panayam sa dzMM, sinabi ni Menorca na inaresto siya ng mga hindi nakaunipormeng pulis na walang dalang arrest warrant.
Aniya nakatatanggap din siya ng death threats dahil sa kaniyang pakikipaglaban sa INC.
Siya umano ang itinuturo ng INC na nasa likod ng blog na "Silent No More" na nagsisiwalat ng mga umano'y kaanomalyahan sa loob ng kanilang samahan.
"Dahil sa blog na 'yon, maraming namulat... Kaya ang pangalan ng blog na 'yon 'Silent No More'... maraming tao sa likod noon," pahayag ni Menorca.
Sinabi pa ng itiniwalag na ministro na malakas ang ebidensyang inilatag ng naturang blog laban sa INC.
"Sa panahon ngayon marami nang pagbabago pagdating sa pananalapi sa Iglesia at dahil sa may kinalaman sa pera 'yan, kapag na-expose 'yung mga bagay na 'yon ang unang tatamaan doon 'yung nakikinabang sa pera na ginagawa ngayon sa Iglesia na hindi nila malabanan 'yun dahil sabi ko nga maraming proof na post doon sa blog."
- Latest