Higit 30 consultants sa PCSO kinuwestyon
MANILA, Philippines – Pinagpapaliwanag ng isang transparency group ang umano’y higit sa 30 “consultants” ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Chairman Ayong Maliksi makaraang maupo ito sa ahensya.
Sinabi ng Filipino Alliance for Transparency and Empowerment (FATE) na kailangang magpaliwanag si Maliksi sa pagbitbit umano nito ng 21 confidential agents, anim na contractual consultants, limang job orders at dalawa pang special agents nang maupo siya sa PCSO nitong Abril 2015.
Napag-alaman na ang suweldo ng 21 confidential agents na umabot sa P2.5 milyon ay kinuha sa account ng personnel services sa mga hindi napunuang posisyon hanggang nitong nakalipas na Disyembre 31. Habang ang suweldo ng anim na consultant at limang job orders ay kinuha umano sa “Donation Budget” ng Chairman’s Office.
Sa naturang bilang, nabigyan ng “reappointment” ang 13 confidential agents at 10 consultants ngayong 2016 at patuloy na susuweldo hanggang Marso 31. Umaakto ang mga consultant na “support group” sa iba’t ibang departamento ng PCSO.
“Sinasabing may rationalization sa mga staff ng PCSO, pero bakit marami pa ring tao ang ipinasok ni Maliksi sa ahensiya gayong siya na mismo ang nagsabi na wala nang pondo ang PCSO? Saan kukuha ng pang-pasweldo sa mga taong dinala niya?” ayon FATE president Jennifer Castro.
May impormasyon din umano ang grupo na ang naturang mga consultant ay hindi regular na nagre-report sa ahensya at palagi umanong absent.
Idinagdag pa nito na mas mainam kung ang milyon-milyong isinuweldo sa agents at consultants ay napunta na lamang na pambayad sa mga guarantee letter na ipinamamahagi sa mahihirap na humihingi ng tulong sa PCSO.
Sa datos, nasa P18 milyon ang inilalaan ng PCSO kada araw sa mga humihingi ng tulong pinansyal.
- Latest