Timeline sa BBL balewala na raw
MANILA, Philippines - Balewala na ang lahat ng mga timeline na itinakda ng Kamara para maipasa ang kontrobersyal na panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL).
Sinabi ni House Majority leader Neptali Gonzales na nakipagpulong na silang mga kongresista sa Pangulo kaugnay sa BBL pagkatapos idaos ang Vin D’ Honneur at dito iprinisinta ng chairman ng Ad Hoc Committee na si Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez ang mga posibleng individual amendment.
Bukod dito, dinagdag pa ni Gonzales, na inilatag din nila sa Pangulo ang problema sa quorum sa plenaryo at paglikha pa ng bagong committee gayundin ang pagtawag ng eleksyon.
Kaya lahat umano ng timeline na itinakda ng Kamara ay mababalewala na lamang subalit nagboluntaryo naman umano si Pangulong Aquino na tutulong na umapela sa mga miyembro ng Kamara na dumalo sa sesyon.
Nilinaw naman ng Majority leader na wala silang ipinangako sa Pangulo na maipapasa ang BBL dahil alam naman nila na wala talaga silang numero bagamat madami naman ang nagpapahayag na susuporta sa naturang panukala.
Aminado naman si Gonzales, na papogi lamang ng kanyang mga kasamahan o political statement lamang dahil hindi naman dumadalo sa sesyon ang mga ito kaya hindi ma i-convert sa actual attendance ang pahayag ng mga kongresista.
Hindi naman masiguro ni Gonzales, kung mapapagbotohan pa sa loob ng nalalalabing tatlong linggo ang BBL dahil depende pa rin umano ito kung matatapos ang period of amendment at kung masesertipikahan ito bilang urgent ng pangulo upang hindi na kailangang lumampas pa ng tatlong araw para mapagbotohan nila sa third at final reading.
- Latest