Bigtime rollback sa langis nakaamba
MANILA, Philippines - Isang malakihang kaltas sa presyo ng produktong petrolyo ang inaasahan ngayong linggo dahil sa patuloy na pagbulusok sa presyo ng krudo sa internasyunal na merkado.
Sa tantiya ng mga eksperto, posibleng umabot sa P1.40 sentimos kada litro ang ibababa sa presyo ng diesel habang nasa P1 kada litro naman sa gasolina. Inaasahan rin na maaaring bumaba ng P1.20 sentimos ang kada litro ng kerosene.
Itinuro ang patuloy na pagbaba sa presyo ng langis sa “oversupply” nito sa Gitnang Silangan at paghina ng ekonomiya ng Tsina.
Dahil sa patuloy na pagbaba sa presyo ng petrolyo, nabuhay ang panawagan ng mga pasahero na ibalik na sa P7 ang minimum na pamasahe sa pampublikong jeep lalo na at hindi naman nagsusukli ang mga tsuper kung P8 ang ibinibigay ng pasahero.
Mas mababa na umano sa P24 ang kada litro sa diesel. Noong 2009, nasa P7 lamang ang minimum na pasahero nang huling pumalo sa P24 ang kada litro sa diesel.
Tinututulan naman ito ngayon ng mga transport group dahil sa hindi pa rin naman umano kumikita ang mga tsuper dahil naman sa pagkonti ng kanilang biyahe dulot ng mas tuminding pagsisikip sa trapiko.
- Latest