Modernong barko na binili ng Pinas sa Indonesia, darating na
MANILA, Philippines – Inaasahang higit pang mapapalakas ang kapabilidad ng maritime patrol ng Philippine Navy kaugnay ng nakatakdang pagdating ng isa sa dalawang modernong Strategic Sea Lift Vessels (SSVs) na binili ng Pilipinas sa PT PAL, ang state owned ship building company ng gobyerno ng Indonesia kaugnay ng pormal na turnover nito sa Manila sa Mayo ng taong ito.
Ayon kay AFP Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla, ilulunsad ang unang SSV sa PT PAL’s Subaraya shipyard sa Indonesia na dadaluhan ng mga opisyal ng nasabing bansa at ng mga matataas na opisyal ng Philippine Navy matapos naman ang paglagda sa kontrata mahigit 1 taon na ang nakalilipas.
“The acquisition is a very important milestone for the Philippine Navy and could hasten response during critical times. It can carry sizeable relief and humanitarian assistance and disaster response in critical areas around the country”, pahayag ni Padilla.
Sinabi ni Padilla na ang pagdating na unang SSV na binili sa Indonesia ay kaunaunahan rin sa naturang uri ng barko na mapapasakamay ng Philippine Navy bago ang pagbaba sa puwesto ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III.
Nabatid na nabili ang dalawang SSV’s mula sa PT PAL sa halagang P 3.8 bilyon sa nilagdaang kontrata noong Nobyembre 18, 2014.
Nakasaad naman sa kontrata sa Indonesian state firm , na ang ikalawang SSV ay idedeliver sa Philippine Navy, isang taon matapos naman ang pormal na turnover ng unang barko o sa Mayo 2017.
Ayon sa PT PAL ang dalawang SSVs ay armado ng 76 Mm at 25 MM guns pero maari namang pumili ang Philippine Navy ng kontraktor nito sa weapon system.
Inihayag pa ng AFP spokesman na ang SSV ay isa sa pinakamahal ang kagamitang nabili ng administrasyon para sa patuloy na pagsulong ng modernisasyon ng Philippine Navy na maari ring magamit sa pagre-supply sa West Philippine Sea kung kinakailangan.
- Latest