218,639 bakanteng posisyon sa gobyerno, punan na - Recto
MANILA, Philippines – Iginiit kahapon ni Senate President Pro-Tempore Ralph Recto na dapat nang punan ang nasa 218,639 na bakanteng puwesto sa national government offices upang mabawasan ang mga walang trabaho sa bansa.
Ayon kay Recto, isa sa bawat tatlong kabataan sa ngayon ay walang trabaho.
Naniniwala si Recto na maaaring kunin ng gobyerno ang malaking bilang ng mga walang trabaho kung saan 536,072 ang mga tapos pa ng kolehiyo.
Nauna ng isiniwalat ni Recto na sa kabuuang 1,513,695 permanenteng posisyon sa national government, nasa 1,295,056 lamang ang maookupa ngayong taon kung saan 218,639 ang bakante.
“There’s almost a quarter of a million unfilled positions in the national government plantilla,” ani Recto.
Hindi pa umano kasama sa nasabing bilang ang mga local governments at government corporations.
Nagtalaga ang Kongreso ng P16.9 bilyon sa 2016 national budget upang punduhan ang ilan sa mga tinatawag na “unfilled items”, samantalang P7.7 bilyon ang ilalaan sa mga bagong posisyon.
Kabilang sa mga departamentong magre-recruit ng malaking bilang ng mga personnel ngayong taon ay ang Health at Education departments.
Ang DoH ay nakatakdang kumuha ng nasa 21,118, kabilang na ang 946 doctors, 15,727 nurses, 3,100 midwives, 308 medical technologists, 324 dentists kung saan ang kabuuang suweldo ay aabot sa P7 bilyon.
Ang DepED, naman ay kukuha ng nasa 62,320 bagong guro.
Ang ibang departamento na mangangailangan ng karagdagang personnel ay ang DPWH; DSWD; Department of Agriculture; Commission on Audit; Bureau of Fire Protection; Coast Guard; Judiciary; at maging ang DENR.
- Latest