LP binira si Grace
MANILA, Philippines – Binanatan ni Liberal Party Political Affairs chair at Caloocan Rep. Edgar Erice ang plano ni Sen. Grace Poe na buksang muli ang imbestigasyon sa Mamasapano.
“Malinaw naman sa mga disenteng Pilipino na hindi na dapat maulit ang trahedyang ito. Di natin maiaalis yung duda dahil yung mga mangunguna ay kandidato,” pahayag ni Erice.
Sinabi ni Erice na sakaling totoo mang may bagong ebidensiya para magbukas ng imbestigasyon ay hindi naman nagtago ang administrasyong Aquino sa mga pinatawag na hearing sa Kongreso. Sana daw ay positibo ang resulta at hindi lamang papogi ng mga kandidato. ?Kinuwestyon nito ang nagawang resulta ng imbestigasyon noong nakaraang taon. “Ano ba yung na-contribute ninyo para maayos yung sitwasyon? Baka naman mangyari eh, parang binubuhay niyo lang, sinasariwa ninyo yung sugat, gusto niyo pang pigaan ng kalamansi, para may taong lalong masaktan para sa sariling pulitikal na interes,” banat ni Erice.
Kumpiyansa si Erice na ginagamit lang ang trahedya sa Mamasapano upang pababain ang rating ni Pangulong Aquino para mabawasan ang tiwala ng mga tao dito at hindi iboto ang kandidato ng Daang Matuwid na si Mar Roxas. “Kung yung mga patay eh hinuhukay para lang matuloy ang kandidatura, ilang bangkay pa ba ang huhukayin?” tanong niya.?Pasaring ito sa ginawa ni Poe kamakailan na ipinahukay ang mga bangkay ng ilang taong sinasabing kamag-anak daw niya upang ikumpara ang kanilang DNA.
Diskwalipikado ng Comelec si Poe dahil kulang siya sa residency requirement ng Saligang Batas at may kuwestiyon kung natural-born Filipino siya. Kasama pa rito ang naging pagtalikod ni Poe sa kanyang Philippine citizenship upang maging Amerikano.
- Latest