21 sentimos bawas singil ng Meralco
MANILA, Philippines – Magpapatupad ang Manila Electric Company (Meralco) ng 21 sentimong tapyas sa singil sa kuryente kada kilowatt hour (kwh) ngayong Enero.
Ayon kay Meralco spokesman Joe Zaldarriaga, ang pagbaba ng singil sa kuryente ay bunsod ng pagbaba ng generation charge, transmission charge, tax charge at iba pang bayarin na kinukolekta sa kanila.
Sa mga kumukonsumo ng 200-kwh ay bababa ng P42; sa mga nakakagamit ng 400-kwh ay P84 at sa 500-kwh ay P105 ang matatapyas sa kanilang babayaran.
Sinabi ni Zaldarriaga, magandang buena mano para sa 2016 ang bawas singil na ito na kahit papaano ay makakabawas ng konti sa lumalaking gastusin ng bawat pamilya.
Sa pag-aanalisa ni Zaldarriaga ay tumataas lamang ang singil sa kuryente sa tuwing sumasapit ang panahon ng tag-init kung saan ay mas marami ang gumagamit ng kuryente.
Noong nakalipas na taon ay anim na beses din nagtapyas ng singil sa kuryente ang Meralco.
- Latest