Cover-up sa Mamasapano?
MANILA, Philippines – Binatikos kahapon ni dating Special Action Force (SAF) chief Director Getulio Napeñas si Senator Grace Poe dahil sa diumano’y pagpapahinto nito na isiwalat ang ilang detalye sa nangyaring operasyon sa pag-aresto sa international terrorist na si Marwan at Basit Usman noong nakaraang taon.
Ayon kay Napeñas may mga pagkakataon na nagsasalita siya pero pinuputol siya ni Poe na chairman ng Senate Committee on Public Order.
“There were times na nagsasalita ako, kina-cut ako kung mapupunta sa isang conclusion, sa isang impormasyon na sinasabi ko especially nung pinakahuling mga araw,” ani Napeñas sa GMA News.
“Yung katotohanan, may hindi parehas nung mga huling araw yung ginawa ni Senator Poe na imbestigasyon para sa amin,” dagdag ni Napeñas na kasalukuyang kumakandidatong senador sa ilalim ng United Nationalist Alliance at pabor sa muling pagbubukas ng imbestigasyon.
Kabilang si Napenas sa inimbestigahan ng Senado noong nakaraang taon kaugnay ng madugong enkuwentro ng mga tauhan ng SAF at ng mga rebelde na ikinasawi ng 44 na pulis sa Mamasapano sa Maguindanao.
“I welcome it. Maganda ‘yan para lumabas kung ano pa ang facts na hindi pa lumalabas,” ani Napeñas.
Nagretiro na si Napeñas sa PNP pero umaasa siya na lilitaw ang dagdag na mga impormasyon kapag sinimulan na ang joint committee investigation sa Enero 25.
Sinabi pa ni Napeñas na hindi siya makapaniwala na para sa komite ng Senado, “poorly planned at poorly executed” ang operasyon.
“The chain of command ang nag-fail kung bakit hindi kami tinulungan nung umaga na yan para sana naisalba ang mga buhay ng mga kasamahan sa SAF,” sabi pa niya
- Latest