Viral video ng indiscriminate firing sa facebook, siyasatin – PNP Chief
MANILA, Philippines – Ipinag-utos kahapon ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ricardo Marquez ang masusing imbestigasyon sa kumakalat na viral video na ipinoste sa facebook ng isang grupo ng dalawang lalaking ‘trigger happy’ matapos ang mga itong walang habas na magpaputok ng baril sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Sa 39 minutong video na ipinagmayabang pa ng mga suspek, mapapanood ang dalawang lalaki habang walang habas na nagpapaputok ng matataas na kalibre ng armas sa harapan ng publiko.
Una nang hinikayat ng PNP ang netizen na kunan ng larawan at video saka iposte sa social networking site ang mga pasaway na personalidad na masasangkot sa indiscriminate firing upang magsilbi itong ebidensya sa pagsasampa ng kasong kriminal.
Nabatid na facebook page na ini-upload ng isang Even Demata hinggil sa mga kalalakihang walang habas na nagpapaputok ng baril. Gayunman hindi nasabi sa video kung kailan eto kinunan at saan nangyari ang insidente.
Ayon kay Marquez, sasampahan ng kasong alarm and scandal ang mga nagpaputok ng baril at kung may tinamaan at namatay ay reckless imprudence resulting to homicide.
Sa tala ng PNP, nasa 11 insidente ng illegal discharge of firearms ang naitala mula Disyembre 16, 2015 kaugnay ng Ligtas Paskuhan 2015 kung saan tatagal ang monitoring hanggang ngayong araw.
Sa kabila nito, ayon pa sa PNP Chief ay mababa ang insidenteng ito kumpara sa naitala noong nakalipas na pagsalubong sa Bagong Taon na nasa 24 kaso lamang.
- Latest