18 biktima ng stray bullet pinaiimbestigahan ng PNP
MANILA, Philippines – Pinaiimbestigahan na ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ricardo Marquez ang kaso ng 18 kataong biktima ng stray bullet o ligaw na bala kaugnay ng pagsalubong sa Bagong Taon.
Ang nasabing bilang ay naitala mula Disyembre 16 hanggang sa pagtatapos ng taong 2015.
Pinakabagong naidagdag sa talaan ng mga biktima sina Kisses Trix Montenegro, 29, ng Lauga-an, Antique, tinamaan ng ligaw na bala sa kaliwang braso; Alden Blasé, 33, ng General Santos City, nasugatan sa kaliwang braso at mga taga Cebu City na sina Janome Diaz, 22, tinamaan sa kanang tiyan; Mary Claire dela Lilan, 12, nagtamo ng sugat sa kaliwang paa at Jovelyn Pucot, nasugatan sa leeg sa Talamban, Cebu; pawang naganap sa pagsalubong sa Bagong Taon nitong Disyembre 31.
Nakapagtala naman ng 8 kataong naaresto sa illegal na pagpapaputok ng baril na pinakahuli ay ang nasakote na si Ramir Gatchalian, 48, ng Aringay, La Union na nakumpiskahan ng cal .38 revolver noong Disyembre 29.
Samantala, lumitaw sa pagsisiyasat na hindi nasawi sa stray bullet ang siyam na taong gulang na batang babae na si Lorena Santos Cruz ng Brgy. San Mateo, Norzagaray, Bulacan na tinamaan ng bala noong Pasko.
Una nang iniulat ng PNP na nasawi sa ligaw na bala si Lorena ilang oras matapos itong tamaan sa likurang bahagi ng katawan.
Base sa report ni Supt. Joel Estaris, hepe ng Norzagaray Police, ang balang tumama sa biktima ay sanhi ng accidental firing mula sa cal. 22 caliber pistol ng kapatid nitong si Joel Cruz.
Nakonsensya umano ang ama ng bata at isinurender ang anak nitong si Joel sa himpilan ng pulisya upang panagutan ang krimen.
Ang suspek ay sinampahan na ng kasong reckless imprudence resulting to homicide.
- Latest