Sulu encounter: 11 patay
MANILA, Philippines - Sampung miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) at isang Army officer ang napaslang habang 21 pa ang nasugatan kabilang ang anim sa tropa ng pamahalaan sa panibagong engkuwentro na sumiklab sa Patikul, Sulu nitong Miyerkules ng hapon.
Kinilala ang nasawing opisyal na si 2nd Lt. Ronald Detalla habang ang mga sugatang isinugod sa pagamutan ay sina Captain Edmar Samonte, Pfc. Ernie De Guzman, Staff Sgt. Wilson Fontanil, Pfc. Joemar Andrez, Pfc. Dennis Desambrana, Pfc. Alberto Dinio at Sgt. Arturo Andama.
Ayon kay AFP-Western Mindanao Command spokesman Major Filemon Tan, alas-4:15 ng hapon ng magsimula ang bakbakan sa pagitan ng mga elemento ng 1st Scout Ranger Battalion (SRB) at ng mga bandido sa nasabing lugar.
Sinabi ni Tan na kasalukuyang ginagalugad ng tropa ng militar ang kagubatan ng Brgy. Buhanginan sa bayang ito nang makasagupa ang tinatayang nasa 300 armadong bandido sa ilalim ng pamumuno ni ASG Sub-Commander Hajan Sawadjaan.
Target ng operasyon na sagipin ang 2 Canadian, isang Norwegian at isang Pinay na bihag ng mga bandido. Ang grupo umano ang nasa likod din ng pamumugot sa isa pang hostage na Malaysian.
Sinabi ni Tan na sinawimpalad na mapatay sa bakbakan si Detalla at anim naman ang sugatan sa tropang gobyerno. Ang mga nasugatang sundalo ay unang dinala sa Kuta Teodulfo Bautista Hospital sa Jolo, Sulu bago ang mga ito ini-airlift na kahapon ng umaga patungo sa Camp Navarro Hospital sa Zamboanga City.
Samantala 10 naman ang nasawi sa mga bandido at nagtamo rin ang mga ito ng 15 malubhang nasugatan, base sa impormasyon ng kanilang intelligence assets.
Inihayag ni Tan na sa kasalukuyan, patuloy ang clearing operation ng tropa ng pamahalaan sa encounter site at puspusan rin ang pagtugis laban sa grupo ng mga bandido na target nilang lipulin upang wakasan ang terorismo.
- Latest