P23-M blood money ibigay sa pamilya Zapanta
MANILA, Philippines – Umapela kahapon sa pamahalaan ang isang overseas Filipino advocate na ibigay na lamang sa naiwang pamilya ng binitay na OFW na si Joselito Zapanta ang P23 milyong blood money na kanilang nalikom.
Ayon kay Susan Ople, pinuno ng Blas F. Ople Policy Center na tumutulong sa pamilya Zapanta, ibigay o bahagian man lamang ng parte ng blood money na hindi nagamit ang naulilang ina na may sakit at dalawang maliit na anak ni Zapanta.
Si Zapanta ay sinentensyahan ng kamatayan sa pamamagitan ng pagpugot sa kanyang ulo sa Riyadh, Saudi Arabia noong Martes ng hapon matapos ang makailang-ulit na ibinigay na reprieve o pagpapalawig ng sentensya.
Sinabi ni Ople na naiwan ni Joselito ang kanyang mga anak na isang 13-anyos at 11 anyos habang ang kanyang ina na si Ramona ay nangangailangan ng atensyong medikal.
“I appeal to our government to provide much needed assistance to the family especially now that Joselito is gone,” ani Ople.
Nakalikom ng P23 milyon ang gobyerno at pamilya Zapanta para sa blood money ni Joselito na naka-deposito sa account ng Embahada ng Pilipinas sa Saudi para sana sa pamilya ng napatay ni Joselito na Sudanese national.
“Since that amount had been rejected by the Sudanese widow thus leading to Joselito’s execution, would the government be amenable to donating some amount to the grieving Filipino family? That is a policy decision that needs to be clarified,” diin nito.
Matapos ang ginawang pagbitay kay Zapanta, isang prayer vigil ang isasagawa sa bahay ng kanyang pamilya sa Brgy Cabetican Puro IV, San Vicente, Pampanga.
Kasabay nito, hiniling ni Ople sa pamahalaan na muling silipin at pag-aralan ang ipinatutupad na polisiya sa pagbibigay ng blood money dahil maraming Pinoy na nasa death row ang nangangailangan na ng blood money.
Nabatid kay Ople na umaabot na sa 90 Pinoy ang nasa death row at nag-aantay na mabitay habang ang iba ay may katapat na blood money ang kanilang kaligtasan o posibleng kalayaan.
- Latest