Isang Pinay ang biktima ng rape kada 53 minuto
MANILA, Philippines – Itinatag ng anak ni Manila Mayor Joseph Estrada ang isang organisasyon para sa mga kababaihan matapos maalarma sa ulat na isang babae ang nagiging biktima ng panggagahasa kada 53 minuto.
Una nang nalantad kay Jerika Ejercito ang karanasan at pagdurusa ng maraming kababaihan nang itatag niya ang Be Healed Foundation na tumalakay sa problema ng mental health at depresyon.
Sa ilalim ng Be Healed ay ikinagulat niya ang maraming kaso ng child at marital rape na dalawa sa pangunahing dahilan ng matinding depresyon ng mga babae.
Ayon kay Jerika, tatapusin nila ang paulit-ulit na sitwasyon ng karahasan at pang-aabuso na nagdudulot ng depresyon at maging ng pagpapakamatay ng maraming battered women sa pamamagitan ng pagsiguro na ang mga batas na nagbibigay ng proteksyon at kalinga sa mga kababaihan.
Para sa kanya ay maraming kababaihan ang nananatiling walang sapat na kaalaman tungkol sa kanilang karapatan sang-ayon sa batas at tila marami sa kanila ang naniniwalang normal lang ang pananakit o pambubugbog ng kanilang asawa.
Gayundin, hangad ng bagong grupo ni Jerica na mabigyan ng higit na pang-unawa ang mga tagapagpatupad ng batas hinggil sa pagkakaroon ng women’s desk sa bawat barangay at sapat na pagsasanay sa paghawak ng mga kaso ng pang-aabuso laban sa kababaihan.
- Latest