ABS-CBN News team inambush sa Marawi City
MANILA, Philippines – Tatlong miyembro ng news team ng ABS-CBN ang nakaligtas sa tiyak na kamatayan matapos na tambangan ng riding-in-tandem suspect sa Bangolo, Marawi City Sabado ng hapon.
Sa ulat ng Police Regional Office ng Autonomous Region of Muslim Mindanao, ang mga biktima ay kinilalang sina Ronnie Enderes, reporter ng ABS-CBN Iligan City; Garie Montesillo, driver; at Emilito Balansag, cameraman ng naturang istasyon.
Sa inisyal na imbestigasyon, nangyari ang insidente sa may Barangay Banggolo, Marawi City, ganap na alas 12:30 ng hapon.
Sakay ang mga biktima ng kanilang mobile car na Ford pick-up (WMV-435) at pabalik ng Iligan City mula Ramain, Lanao del Sur kung saan kinober nila ang pagpapasabog sa isang National Grid Corporation of the Philippine (NGCP) tower sa Brgy. Linamon.
Pagsapit sa Marawi, isang motorsiklo na sumusunod sa grupo ang biglang na lamang pinaputukan ang mga huli, saka mabilis na lumayo sa lugar.
Wala namang nasugatan sa mga biktima na nagpasyang magtungo sa Camp Ranao ng 103rd Brigade ng Phil. Army para sa kanilang kaligtasan.
Sa pagsisiyasat sa crime scene, narekober sa lugar ang dalawang basyo ng bala ng kalibre .45 na baril.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy kung sino ang nasa likod ng pamamaril.
- Latest