PNP nagpatupad ng SOPO sa NPA
MANILA, Philippines – Bilang pakikiisa sa diwa ng kapaskuhan, nagpatupad na rin ng Suspension of Police Operations (SOPO) ang Philippine National Police (PNP) sa hanay ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa bansa.
Bagaman kahapon lamang pormal na inianunsyo ng PNP ang SOPO o tigil-putukan sa NPA rebels, sinabi ni PNP Spokesman Chief Supt. Wilben Mayor na nag-umpisa pa ito noong hatinggabi ng Disyembre 23, 2015 na tatagal naman ng 10 araw o hanggang hatinggabi ng Enero 1, 2016.
Una nang nagdeklara ng 12 araw na unilateral ceasefire ang AFP sa hanay ng NPA rebels mula Disyembre 23, 2015 hanggang Enero 3, 2016. Ang nasabing tigil putukan ay kahalintulad rin ng 12 araw na idineklara ng CPP sa kanilang armed wing na NPA rebels.
Nilinaw naman ng opisyal na hindi saklaw ng SOPO o tigil putukan ang pagpapatupad ng law enforcement operations kabilang ang pagsisilbi ng warrant of arrest.
Sa kabila nito ay inatasan ang PNP ang lahat ng units nito lalo na sa mga malalayong lalawigan na malaki ang presensya ng NPA na manatiling nakaalerto.
Magpapatuloy din ang pagsasagawa ng security patrol ng mga pulis upang bigyang proteksyon ang lahat ng mga kampo ng PNP, mga pangunahing instalasyon ng gobyerno at komunidad.
Una nang nagselyo ng dulo ng baril ang mga pulis upang maiwasang magamit ito sa walang habas na pagpapaputok ng baril kaugnay ng pagsalubong sa Bagong Taon.
- Latest