Binay, Poe, Mar at Duterte dikitan ang laban
MANILA, Philippines – Hindi nagkakalayo sina Vice-President Jejomar Binay, Sen. Grace Poe, dating DILG Sec. Mar Roxas at Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa pinakahuling survey ng SWS.
Sa isinagawang survey ng Social Weather Station (SWS) noong Disyembre 12-14 na nilahukan ng 1,200 respondents, 26% ang bumoto kina Binay at Poe, habang si Roxas ay may 22% at 20% naman si Duterte.
Sinabi ni SWS director Leo Laroza, maituturing na statistically tied sina Binay, Poe, Roxas at Duterte dahil sa margin of error na plus minus 3%, kung saan para maging frontrunner ay kailangang 7% pataas ang kalamangan.
“Walang clear frontrunner sa survey na ito dahil napakalapit ng scores na nakuha ng apat na kandidato” aniya.
Malayo naman sa ikalimang puwesto si Sen. Miriam Defensor Santiago na nakakuha lamang ng 4%.
Si Binay ay nahaharap sa mga isyu ng graft and corruption noong siya ay nanilbihang Mayor ng Makati City, habang kinakaharap naman ni Poe ang disqualification case dahil sa kakulangan ng kanyang residency.
Ibinabato naman kay Duterte ang isyu ng extra-judicial killings at ang pambababae.
Sa vice-presidential race, patuloy na nangunguna si Sen. Francis Escudero, running mate ni Poe, sa nakuhang 30% habang statistically tied naman sa ikalawang puwesto sina Camarines Sur Rep. Leni Robredo at Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na may 19% at Sen. Alan Peter Cayetano na may 17%.
- Latest