P3-T 2016 budget pirmado na ni PNoy
MANILA, Philippines – Nilagdaan na ni Pangulong Aquino ang P3.002 trilyong General Appropriations Act para sa 2016.
Saksi sa paglagdang ginanap sa Rizal Hall ng Palasyo ng Malakanyang ang mga miyembro ng dalawang kapulungan ng Kongreso.
Sa ilalim ng panukala, pinakamalaking pondo ang inilaan sa Kagawaran ng Edukasyon na may P436.5 bilyon. Tumaas ito ng 16 porsyento kumpara sa P377 bilyong alokasyon nang nagdaang taon.
Sa talumpati ng Pangulo, sinabi nitong kasama sa budget ang pagpapatayo ng higit 47,000 silid-aralan at pagbili ng aabot sa P103.2 milyong halaga ng mga libro.
Pagmamalaki naman ni Aquino, patuloy din ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program na may nakalaang P62.6 bilyong pondo.
Naglaan naman ng P400.4 bilyon para sa Department of Public Works and Highways. Kabilang dito ang pagtatapos ng lahat ng national roads at flood control projects.
Ayon sa Pangulo, target na mas malaki ang bahaging ilalaan sa imprastraktura sa susunod na taon.
Sa kauna-unahang pagkakataon naman, nakapaloob sa pambansang budget ang pondo para sa pagbabayad ng total administrative disability (TAD) pension para sa mga kabiyak ng mga beterano ng Ikalawang Digmaan at partial payment ng TAD pension para sa mga buhay pang beterano na may edad na 80 ngayong 2016.
Popondohan din ang capacity building program kaugnay ng pagpapatupad ng Ecological Solid Waste Management Act sa ilalim ng Department of Environment and Natural Resources.
May inilaan ding quick responsed fund para sa Philippine National Police, Department of National Defense-Office of the Secretary, Philippine Coast Guard at Bureau of Fire Protection na mga front liner sa pagliligtas sa panahon ng sakuna.
Sa kabuuan, mas malaki ng 15 porsyento ang budget sa susunod na taon kaysa ngayong taon.
- Latest