Pinoy hinikayat maging Santa Claus kay ‘Inang Kalikasan’
MANILA, Philippines – Hinikayat ng isang environmentalist group ang mga Pilipino ngayong darating na Pasko na maging Santa Claus kay “Inang Kalikasan” sa pamamagitan ng pag-iwas sa matinding pagkakalat sa kabi-kabilang selebrasyon.
Mungkahi ng grupong EcoWaste Coalition sa publiko, iregalo na lamang sa kalikasan ang pagsunod sa “reduce, reuse at recycle” sa lahat ng kalat para mabawasan ang dami ng basura na itinatapon.
“Maging Santa Claus tayo kay Mother Earth sa pagtitipid sa konsumpsyon natin at pagpapaliit sa mga itinatapon na basura sa pamamagitan ng pagre-recycle,” ani Sonia Mendoza, pinuno ng EcoWaste at Mother Earth Foundation.
Sinabi nito na tuwing Kapaskuhan nagiging pinakamarami ang basurang napoprodyus ng publiko dahil sa napakaraming mga regalo at tirang pagkain sa sari-saring mga pagtitipon. Sa ganitong panahon umano umaapaw ang mga basurahan ngunit kapag sinuri ay makikita na marami sa mga basura ang maaari pang mai-recycle habang napakarami rin ang sobra-sobrang pagkain na itinatapon.
Sa kanilang datos, ang “per capita” na basura kada araw sa Metro Manila ay nasa 0.7 kilo ngunit umaakyat ito tuwing Disyembre sa 1.2 kilo.
Kabilang sa payong ibinigay ng EcoWaste ang paggamit ng kakaibang gift wraps tulad ng mga lumang tela, dyaryo, magazines, lumang bandanas o panyo, kahon ng sapatos, na maaaring mapaganda kung aayusin ang pagbabalot. Dito maiiwasan ang pagbili pa ng dagdag na mga gift wraps ngayong Kapaskuhan.
- Latest