Itigil ang bangayan - VP Binay
MANILA, Philippines – Nanawagan kahapon si Vice President Jejomar Binay sa lahat ng mga kapwa politiko at maging ang kanyang mga kalaban na itigil muna ang anumang bangayan upang magkaroon lahat ng mapayapang Kapaskuhan.
Ayon kay Binay habang nasa General Santos City, ang katahimikan at kapayapaan sa lahat ng mamamayang Pilipino ang kanyang ninanais ngayong Pasko.
“Ang Christmas wish ko? Alam mo, peace, unang una pinanganak ang ating Panginoong Hesukristo. So sa atin, pwede ba ho tigilan na ang paninira, tigilan na ho yung pagsisinungaling, tigilan na ho yung nagpe-personalan, doon ho sa pagkakahati-hati. Kita mo naman, yung NPA may ceasefire pati ang pamahalaan. Sana sa larangan ng politika may ceasefire din. Dapat ang magprevail ay peace,” ani Binay.
Ipinaliwanag ni Binay na hindi lamang para sa kanyang mga kalaban sa pulitika kundi maging sa lahat ng kandidato kabilang ang nasa lokal na posisyon na tumatakbo ngayong nalalapit na 2016 national elections. ?“Kung magkikita ay magkamayan, magyakapan at sama sama sa pagdarasal,” pahayag ni Binay.
Kasabay nito, hinimok ni Binay ang administrasyon na itigil na ang ginagawang “selective justice” at ang pagbabanta sa iba pang nagnanais na lumipat sa ibang partidong putitikal.
“Mag-apila na lang at galingan ang kanilang pagde-depensa, dahil nga iyang selective justice ay lalo namang umigting. Siguro, ceasefire naman. Tama na yung pananakot, tama na yung selective justice. Ang malungkot nga dito malapit na ang pasko at maraming nasu-suspend,” diin ni Binay.
Sinabi pa ng Bise Presidente na iseselebra niya ang Pasko kapiling ang kanyang pamilya sa Makati at kanyang bibisitahin ang mga pasyente na residente ng Makati na nakaratay sa mga ospital sa lungsod.
- Latest