Poe sa SC na lang umaasa para sa 2016 polls
MANILA, Philippines – Matapos ang dalawang disqualification sa Commission on Elections (Comelec), sa Korte Suprema na lamang umaasa si Sen. Grace Poe para sa kaniyang karera sa pagkapangulo sa 2016.
Dalawang division ng Comelec ang nagkansela ng kaniyang certificate of candidacy dahil sa apat na petisyong inihain laban kay Poe upang madiskwalipika.
Una nang naghain ng motion for reconsideration ang kampo ng senadora sa Comelec en banc para sa hatol ng 2nd Division, habang ganito rin ang gagawin nila para sa desisyon ng 1st Division, ngunit hindi kumpiyansa si Poe dito.
BASAHIN: Chiz kumpiyansang papanigan ng SC si Poe
"Kaya para sa akin, nilalagay ko sa isip ko na kung ano man ang kahihinatnan nito, ang puno’t dulo pa rin ay ang Korte Suprema. Kaya doon nalang namin tinutuon ang aming paghahanda, pagdadasal na sana’y magkaroon ng katarungan — sa Korte Suprema," pahayag ng senadora.
Bukod sa mga petisyon sa Comelec, naipanalo naman ni Poe ang disqualification case niya sa Senate Electoral Tribunal sa botong 5-4.
Tatlo sa mga bumoto kontra sa kaniya ay pawang mga hukom ng Korte Suprema, kaya naman sa paghingi niya ng tulong sa mataas na hukuman ay umaasa siyang magi-inhibit sa kaso sina SC Associate Justices Antonio Carpio, Teresita Leonardo-De Castro at Arturo.
"Para sa akin, sa tingin ko kusa, sa kusang-loob nila ako aasa na sana ay ganoon," ani Poe.
Umaasa rin ang independent presidential candidate na hindi mahahaluan ng politika ang paghahatol ng korte.
"So sana ang maging basehan talaga nila muli ay ang mga ebisensyang naisumite namin at sana ay iinterpreta nila ang batas base sa hustisya at kung ano talaga ang makatarungan.”
- Latest